Nangako si French President Emmanuel Macron na mag-aanunsiyo ang kanyang pamahalaan ng mga hakbang upang tugunan ang mga hinaing ng mga demonstrador matapos ang ilang linggong protesta sa iba’t ibang bahagi ng France.

Gayunman, kinilala rin ng pangulo ang posibilidad na muling sumiklab ang kaguluhan sa mga susunod na araw.

Ayon kay Macron, inatasan na niya ang pamahalaan na tugunan ang mga lehitimong kahilingan na pinagmumulan ng kilos protesta.

Kabilang sa mga nagpoprotesta ang mga estudyante, unyon ng mga manggagawa at mga grupong kumukuwestiyon sa mataas na cost of living at kakulangan sa mga serbisyong pampubliko.

Kabilang din sa mga hinihingi ng mga estudyante ang dagdag na pondo para sa edukasyon at pagbabago sa sistema ng pagtanggap ng mga estudyante sa mga unibersidad, na anila’y nagdudulot ng hindi pagkakapantay-pantay.

Samantala, sinabi ni Interior Minister Laurent Nunez na inaasahan nilang magpapatuloy ang mga kaguluhan sa mga demonstrasyong nakatakda sa Oktubre 31, kasabay ng pagdiriwang ng Halloween.

Umabot sa 70-libong pulis ang itinalaga para sa mga protesta noong Sabado, kung saan nasa 1,435 katao ang inaresto sa buong bansa.

Ayon sa mga awtoridad, napigilan ng malawakang presensiya ng pulisya ang pag-ulit ng mas matinding karahasan na naitala sa mga nakaraang linggo.