Nanawagan ang grupong BUSINA sa pamahalaan na tugunan ang mga problemang kinakaharap ng mga jeepney operator at driver, kabilang ang mataas na presyo ng krudo, mabigat na bayarin sa mga pautang para sa public utility vehicle (PUV) modernization program, at matinding kompetisyon sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Ayon kay Marlyn Dela Cruz, presidente ng BUSINA, umaasa silang makatutulong ang pagbabalik ni Vince Dizon bilang kalihim ng Department of Transportation (DOTr) upang mahanapan ng konkretong solusyon ang mga problemang matagal nang kinakaharap ng kanilang sektor.
Kabilang sa kanilang mga panawagan ang pagpapababa sa presyo ng krudo, pagpapatuloy ng modernization program nang hindi paulit-ulit na naaantala, at pagbibigay-proteksiyon sa kabuhayan ng mga lokal na operator at driver laban sa lumalawak na kompetisyon sa transportasyon.
Ibinahagi ni Dela Cruz na marami sa mga operator ang nahihirapang bayaran ang kanilang mga utang sa bangko matapos mangutang para sa modernisasyon ng kanilang mga sasakyan.
Sa kasalukuyan, may ilan umanong nagbabayad na lamang ng interes habang naghihintay ng tulong at malinaw na direksiyon mula sa pamahalaan.
Aniya, kailangan nila ng pakikipagdayalogo sa DOTr at mga institusyong pinansyal upang matukoy kung paano matutugunan ang kanilang mga obligasyon at maipagpapatuloy ang kanilang operasyon.
Dagdag pa niya, bagama’t nagkaroon na sila ng mga pakikipag-usap sa mga kinauukulang ahensiya, kailangan pa rin nila ng mga kongkretong hakbang upang matiyak na hindi mauuwi sa mga pangako lamang ang kanilang mga kahilingan.










