Hinihikayat ni Ruel De Guzman, isang regular na blood donor ng Dugong Bombo, ang publiko na huwag matakot na magdonate ng dugo dahil maaari itong makapagligtas ng buhay at makatulong sa pagtugon sa kakulangan ng suplay ng dugo sa mga ospital.

Taong 2012 nang magsimulang magdonate ng dugo si De Guzman sa Dugong Bombo. Maliban sa mga taon ng pandemya, regular niya itong ginagawa kada tatlo hanggang apat na buwan.

Aminado si De Guzman na masakit ang pagtusok ng karayom sa unang pagkakataon, ngunit aniya, nasasanay rin ang isang donor sa proseso. Mas masakit pa umano ang pagkuha ng dugo para sa blood identification card kaysa sa mismong pagdonate, kaya wala aniyang dapat ikatakot ang mga nagbabalak na maging blood donor.

--Ads--

Dagdag pa niya, pagkakataon din ang blood donation upang masuri ang kalagayan ng kalusugan ng isang tao dahil sumasailalim muna ang mga donor sa assessment at screening bago pahintulutang magbigay ng dugo.

Bukod sa pagkakataong makapagligtas ng buhay, nagsisilbi rin aniyang motibasyon sa kaniya ang regular na pagdonate upang mapanatili ang malusog na pamumuhay. Dahil dito, natuto siyang umiwas sa pag-inom ng alak at kumain nang wasto upang matiyak na handa ang kaniyang katawan sa bawat blood donation activity.

Isa rin sa mga dahilan kung bakit niya pinahahalagahan ang blood donation ang karanasan ng kaniyang ina na ilang beses nang kinailangang salinan ng dugo. Dito niya higit na napagtanto ang malaking pangangailangan sa suplay ng dugo ng mga ospital, kaya mahalaga aniya ang pagsasagawa ng mga bloodletting activity upang mapunan ang mga reserbang dugo.

Binigyang-diin ni De Guzman na hindi kailangang pera ang iambag upang makatulong sa kapwa dahil maaari ring magbahagi ng dugo ang mga taong nais tumulong sa mga pasyenteng nangangailangan nito.

Gayunman, paalala niya, mahalagang nasa maayos na kondisyon ang katawan bago magdonate. Kabilang sa mga dapat tiyakin ang sapat na tulog, wastong pagkain, at pag-iwas sa alak at paninigarilyo bago ang itinakdang blood donation. Kapag hindi handa ang pangangatawan, maaari umanong makaranas ng mga side effect gaya ng pagkahilo.

Pinayuhan din niya ang mga nagnanais na maging blood donor na panindigan ang kanilang desisyon at maging handang sumunod sa mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang kanilang kaligtasan at ang kaligtasan ng tatanggap ng dugo.

Giit ni De Guzman, hindi man nangangailangan ng dugo sa kasalukuyan, maaaring dumating ang panahong tayo naman ang mangailangan nito. Ito ang isa sa mga layuning nais tugunan ng Dugong Bombo sa pamamagitan ng paghikayat sa publiko na magdonate ng dugo at makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang pagsasalin ng dugo.