Alamin ang detalye sa panibagong pagbalasa sa gabinete! Nagpalit ng pwesto sina DOTr Sec. Giovanni Lopez at DPWH Sec. Vince Dizon. Basahin dito.

Inanunsyo ng Malacañang ngayong Lunes, ang panibagong pagbabago sa pwesto ng dalawang pangunahing kagawaran ng pamahalaan kung saan magpapalit ng tungkulin sina Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez at Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.

Sa ilalim ng naturang pagbalasa, muling babalik si Dizon upang pamunuan ang DOTr matapos maglingkod sa DPWH, samantalang si Lopez naman ang opisyal na hahawak sa pamumuno ng DPWH.

Ayon sa pahayag mula sa Palasyo, layunin ng palitan na maging mas mabilis at epektibo ang pagpapatupad sa mga pambansang proyektong imprastraktura at mass transportation ng administrasyong Marcos sa pamamagitan ng subok na kakayahan at karanasan ng dalawang kalihim.

--Ads--

Bago ito, si Dizon ay naglingkod din bilang Presidente at CEO ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at naging Presidential Adviser for COVID-19 Response noong administrasyong Duterte.

Unang itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Dizon bilang kalihim ng DOTr noong Pebrero 21, 2025 kapalit ng nagretirong si Jaime Bautista.

Inilipat si Dizon sa DPWH bilang ad interim secretary noong Setyembre 1, 2025 bago ang kaniyang muling pagbabalik sa DOTr ngayong Oktubre 26, 2026.

Si Lopez naman ay isang abogado na naglingkod sa iba’t-ibang mataas na posisyon sa DOTr, kabilang ang pagiging chief of staff at undersecretary for administration, finance, at procurement.

Umupo si Lopez bilang Acting Secretary ng DOTr noong Setyembre 1, 2025 nang lumipat si Dizon sa DPWH.

Pormal nang itinalaga si Lopez upang pamunuan ang DPWH matapos ang kaniyang pamamahala sa DOTr.