Naghahanda na ang Santa Barbara Police Station para sa nalalapit na Undas, kung kailan inaasahang dadagsa ang mga residente at mga bisita sa mga sementeryo upang dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Kabilang sa paghahanda ng pulisya ang pakikipag-ugnayan sa Municipal Government of Santa Barbara at sa NDRRMO para matiyak ang seguridad at agarang pagtugon sa mga mangangailangan ng tulong sa paligid ng mga sementeryo.
Maglalagay rin ng mga motorist assistance desk at magtatalaga ng mga pulis sa labas at gilid ng mga kalsada sa loob ng 24 oras. Magsasagawa rin ng police visibility at 24-hour checkpoints bilang bahagi ng kanilang paghahanda upang maiwasan ang krimen at mapanatili ang kaayusan sa lugar.
Sa nalalapit na paggunita ng Undas, hinihikayat naman ng Santa Barbara Police ang publiko na makiisa sa mga ipatutupad na seguridad at sumunod sa mga alituntunin sa loob at paligid ng mga sementeryo.
Pinaalalahanan ang mga motorista na tiyaking nakakandado ang kanilang mga sasakyan at huwag mag-iwan ng mahahalagang gamit, partikular ang mga gadget, upang maiwasan ang anumang insidente ng pagnanakaw.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdadala ng deadly weapons, alcoholic beverages, at paggamit ng malalakas na tunog gaya ng radyo sa loob ng sementeryo.
Layunin ng mga hakbang na ito na mapanatili ang seguridad, kaayusan, at katahimikan sa mga sementeryo habang ginugunita ng mga pamilya ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas.










