Nagbabala si Argel Cabatbat, chairman ng Magsasaka Partylist, sa posibilidad na mas lumaki pa ang pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa El Niño, kasunod ng naitalang P8.67 bilyong pinsala kahit nagsisimula pa lamang ang epekto ng naturang weather phenomenon.
Ayon kay Cabatbat, umabot sa P15 bilyon ang pinsala sa agrikultura noong El Niño noong 2023. Dahil inaasahang magtatagal ang kasalukuyang El Niño hanggang Marso, nangangamba siyang mas malaki ang magiging epekto nito sa kabuhayan ng mga magsasaka at suplay ng pagkain sa bansa.
Giit niya, sa halip na magtuon lamang sa paghahanda, dapat nang ipatupad ang mga konkretong hakbang upang matulungan ang mga magsasakang nalugi at inaasahang malulugi pa. Kabilang dito ang paglalaan ng sapat na pondo para sa kanilang pagbangon, upang maiwasan ang tuluyang pagkawala ng kanilang kabuhayan at pagbebenta ng mga lupang sakahan na maaaring magpababa sa produksyon ng pagkain.
Binanggit din ni Cabatbat ang Agri-Agra Law, na nag-aatas sa mga bangko na maglaan ng pautang para sa sektor ng agrikultura. Aniya, sa kabila ng kaukulang parusa sa mga hindi sumusunod, may mga bangkong mas pinipiling magbayad ng multa kaysa magpautang sa mga magsasaka.
Bilang hakbang upang mabawasan ang epekto ng kakulangan sa tubig, iminungkahi niyang unahin ang pagtatanim ng mga pananim na hindi nangangailangan ng maraming tubig, gaya ng kamote, cassava at dragon fruit. Iminungkahi rin niya ang paggamit ng solar-powered irrigation systems upang makatulong sa pagpapatubig ng mga sakahan.
Binigyang-diin ni Cabatbat na hindi sapat ang pagiging resilient ng mga magsasaka sa harap ng mga kalamidad at krisis. Dapat din umanong panagutin ang mga pagkukulang ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura at manindigan ang publiko laban sa mga iregularidad na nakaaapekto sa mga magsasaka.
Tinalakay rin sa press conference na nilahukan ni Cabatbat ang DOJ Opinion No. 16 kaugnay ng pagbebenta ng mga lupang sakahan, gayundin ang mga smuggled rice na nasabat sa Davao. Ayon kay Cabatbat, may nakikita na siyang pag-unlad sa pagpigil ng Bureau of Customs sa pagpupuslit ng mga produktong agrikultural, kasabay ng pagtaas ng halaga ng mga nasasamsam at pagdami ng mga napapanagot.
Hinikayat niya ang maliliit na magsasaka na suportahan ang mga ahensiya ng pamahalaang maayos na gumaganap sa kanilang tungkulin at makiisa sa paglaban sa mga land grabber upang maprotektahan ang kanilang mga lupain at kabuhayan.










