Nakahanda ang pamunuan ng Barangay Malued sa Lungsod ng Dagupan na harapin ang mga epektong dulot ng El Niño, habang patuloy na nanawagan ng kooperasyon sa mga residente ukol sa pagtitipid sa tubig at pag-iingat sa kalusugan at kaligtasan.
Ayon kay Punong Barangay Pheng Delos Santos, mahalagang maging wais ang bawat pamilya sa paggamit ng supply ng tubig dahil hindi tiyak kung hanggang kailan magtatagal ang tagtuyot.
Kabilang sa mga iminumungkahi ng barangay ang paggamit ng mga balde bilang pag-imbakan ng tubig lalo na kapag nagkaroon ng pag-ulan.
Inirekomenda rin ang pag-re-recycle ng tubig tulad ng paggamit ng pinaglabhan bilang pangbuhos sa palikuran at ang pinaghugasan ng pinggan para sa pagdidilig ng mga halaman.
Bukod sa supply ng tubig, nagbabala rin si Delos Santos sa panganib ng matinding init at mataas na humidity sa kalusugan ng mga mamamayan, lalo na sa mga senior citizen at may mga umiiral na karamdaman.
Dahil dito, pinayuhan niya ang mga residente na manatili na lamang sa loob ng bahay kung wala namang importanteng lakad.
Pagdating sa pampublikong kaligtasan, ikinalugod ng barangay na wala pang naitalang kaso ng nasunog na bahay o grass fire sa kanilang nasasakupan.
Aniya, bunga ito ng patuloy na pagpapaalala sa mga residente na maging maingat sa mga electrical wiring at siguraduhing nakatanggal sa saksakan ang mga gamit na hindi ginagamit.
Nakatakda ring ang isang pagpupulong para isagawa ang hakbang sa water filtration na
iminungkahi ng DSWD para makatulong sa kanilang nasasakupan para sa malinis na inumin bilang kahandaan sa El Niño.










