Patuloy na pinaigting ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 1 ang pagsubaybay sa mga karagatan sa rehiyon upang matukoy ang kalagayan ng industriya ng pangisdaan at maiwasan ang malaking pagkalugi sa produksiyon ng mga isda.

Ayon kay Remely Lachica, Regional Director ng BFAR Region 1, nakikipag-ugnayan din ang kanilang tanggapan sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga lugar na posibleng makaranas ng pagbaba sa produksiyon ng isda bunsod ng pabago-bagong kondisyon ng panahon.

Kabilang sa mga isyung tinututukan ng kawanihan ang posibleng epekto ng El Niño sa industriya ng pangisdaan. Patuloy rin ang pakikipagdayalogo ng BFAR sa mga grupo ng mangingisda upang talakayin ang mga hakbang na maaaring gawin upang mapanatili ang produksiyon at maisulong ang wastong pamamaraan ng pag-aalaga ng mga isda.

--Ads--

Ayon kay Lachica, kabilang sa mga madalas na kahilingan ng mga mangingisda ang mga proyektong makatutulong sa kani-kanilang samahan upang mapalakas ang kanilang kakayahan sa produksiyon.

Samantala, naglunsad naman umano ang Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ng Agri-Recovery Program na naglalayong tulungan ang mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo na makabangon at maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan.

Bilang paghahanda sa mga hamong dulot ng pabago-bagong panahon, nakatuon ang BFAR sa apat na pangunahing haligi ng disaster management: mitigation, preparedness, response, at recovery.

Kabilang din sa mga planong proyekto ng kawanihan ang Solar Power Aerator System at Emergency Harvest System, na naglalayong makatulong sa mga fish farmer sa pagharap sa mga kondisyong maaaring makaapekto sa kanilang alagang isda at kabuhayan.

Samantala, patuloy ang koordinasyon ng BFAR sa iba pang ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maagap at angkop na pagtugon sa mga suliranin ng sektor ng pangisdaan.

Kumikilos na rin ang kawanihan kaugnay ng mga ulat ng pagkakaroon ng gataw sa ilang fish pen sa lalawigan. Sa paunang impormasyon, napag-alamang mababa ang antas ng dissolved oxygen sa mga apektadong lugar, isang kondisyong maaaring magdulot ng stress at pagkamatay ng mga isda.

Patuloy ang pagsubaybay at koordinasyon ng BFAR upang matukoy ang kalagayan ng mga naturang lugar at makapagbigay ng angkop na hakbang upang maprotektahan ang produksiyon at kabuhayan ng mga mangingisda.