Hiniling umano ng may-ari ng Mini New Zealand ang pagsasara ng naturang pasyalan sa bayan ng Pozorrubio kasunod ng mga ulat hinggil sa hindi maayos na pagtatapon ng basura sa lugar.

Ayon kay Charina Co, Chairwoman ng Committee on Tourism ng bayan, napag-usapan sa kanilang sesyon ang mga posibleng hakbang upang matugunan ang mga problemang may kaugnayan sa operasyon ng pasyalan at maisaayos ang sitwasyon.

Sa kasalukuyan, hindi na umano tumatanggap ng mga bisita ang Mini New Zealand.

--Ads--

Nakilala ang naturang lugar bilang isang potensyal na destinasyong panturismo noong 2021, bagama’t pansamantala na rin umano itong isinara noon.

Sa kabila ng pagsasara, nakikita pa rin ng lokal na pamahalaan ang potensiyal ng Mini New Zealand na makatulong sa pagpapalago ng turismo sa bayan.

Umaasa naman ang mga kinauukulan na maaari pa itong muling magbukas, subalit nakasalalay pa rin umano sa desisyon ng may-ari ang magiging kapalaran ng pasyalan.

Isa rin sa mga hamong kinakaharap ng bayan ang pag-akit ng mas maraming turista, kaya mahalaga ang pagkakaroon ng mga atraksyong maaaring makatulong sa pagpapakilala sa Pozorrubio bilang isang destinasyong panturismo.

Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon kung kailan o kung tuluyan nang magbubukas muli ang Mini New Zealand.