Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) Region 1 sa iba’t ibang medical unit upang matiyak ang kahandaan sa posibleng pagtaas ng mga kaso ng heat-related illnesses dulot ng matinding init na kaugnay ng El Niño.
Ayon kay Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer ng DOH-CHD Region 1, naghahanda na ang mga kinauukulan ng sapat na kagamitan, pasilidad at mga kawani na maaaring tumugon sa pangangailangang medikal sakaling tumaas ang bilang ng mga pasyenteng makaranas ng mga sakit na dulot ng init.
Kabilang sa mga binabantayang kondisyon ang heat cramps, heat exhaustion at heat stroke. Pinaghahandaan din ng mga ospital ang posibleng pagtaas ng mga kaso ng food- and water-borne diseases at mga non-communicable disease.
Pinaalalahanan ni Bobis ang publiko na bantayan ang mga sintomas ng heat-related illnesses. Kabilang sa mga palatandaan ng heat cramps ang pananakit ng mga kalamnan, habang maaaring makaranas ng panghihina, labis na pagpapawis, pagduduwal at matinding pagkapagod ang taong may heat exhaustion.
Mas mapanganib naman ang heat stroke na maaaring magdulot ng pagkahilo, hirap sa paghinga at pagkawala ng malay. Nangangailangan ito ng agarang atensiyong medikal upang maiwasan ang malubhang komplikasyon.
Sakaling may makaranas ng mga sintomas ng heat-related illnesses, pinapayuhan ang publiko na agad humingi ng tulong medikal. Habang naghihintay ng tulong, ilipat ang pasyente sa malamig o malilim na lugar at palamigin ang katawan gamit ang basang bimpo. Kung pinaghihinalaang may heat stroke, huwag nang maghintay at agad tumawag sa emergency services.
Binigyang-diin din ni Bobis ang kahalagahan ng pag-inom ng sapat na tubig upang maiwasan ang dehydration. Aniya, hindi lahat ng malamig na inumin ay nakatutulong upang mapalitan ang nawawalang tubig sa katawan, kaya mas mainam na regular na uminom ng malinis na tubig, lalo na sa panahon ng matinding init.










