Dagupan City – Nakatanggap ng tig-sampung kilong bigas ang mga kwalipikadong senior citizen sa Bayambang, Pangasinan bilang bahagi ng rice assistance program ng lokal na pamahalaan.
Isinagawa ang ceremonial distribution ng rice assistance ngayong araw para makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga senior citizen, lalo na sa kanilang gastusin sa pagkain.
Kabuuang isang daang libong kilo o sampung libong sako ng bigas ang inilaan para sa programa sa ilalim ng limang milyong pisong Local Government Support Fund o LGSF-FALGU para sa Fiscal Year 2026.
Saklaw ng programa ang mga kwalipikadong benepisyaryo mula sa pitumpu’t pitong barangay ng Bayambang.
Alinsunod sa Sagip Saka Act, direktang binili ang mga bigas mula sa mga accredited na kooperatiba at asosasyon ng mga lokal na magsasaka.
Bukod sa pagbibigay ng tulong sa mga senior citizen, nakatulong din ang programa sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang mga produkto.
Matapos ang ceremonial distribution, ipamamahagi naman ang mga natitirang bigas sa iba pang kwalipikadong benepisyaryo sa kani-kanilang barangay.
Samantala, sagot ng LGU Bayambang ang gastusin para sa paghahakot, krudo, at distribusyon ng mga bigas upang maihatid ang mga ito sa mga benepisyaryo.










