Dagupan City – Pansamantalang isasara sa mga bisita at turista ang sikat na pasyalan sa Barangay Don Benito na tinaguriang “New Zealand” ng Pozorrubio matapos itong ihiling ng mismong may-ari ng lupain.

Ayon sa opisyal na pampublikong paalala ng Lokal na Pamahalaan ng Pozorrubio, bagamat ikinagagalak ng bayan ang pagdagsa ng mga turistang humahanga sa kagandahan ng naturang lugar, ipinaalala ng pamahalaan na ang “New Zealand Pozorrubio” ay isang pribadong pag-aari at hindi opisyal na bukas para sa pampublikong turismo at pamamasyal.

Ang pansamantalang pagpapasara ay isinagawa alinsunod sa kahilingan ng may-ari upang mapangalagaan ang kapaligiran at maiwasan ang posibleng pagkasira ng lupain.

Layunin din nitong masolusyunan ang mga umuusbong na suliranin dulot ng hindi wastong pagtatapon ng basura ng ilang mga pumupunta sa lugar.

Dahil dito, nanawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na magpakita ng pang-unawa at igalang ang pasya ng may-ari.

Hinimok din ng LGU ang lahat na sama-samang isulong ang pangangalaga sa kalikasan at ang paggalang sa mga pribadong pag-aari habang nagpapasalamat sa pakikiisa ng mamamayan.