Dagupan City – Muling naipamalas ang angking talento, pagkamalikhain, at husay ng mga mag-aaral sa larangan ng turismo at hospitality sa ginanap na Dayew 2026: The Pangasinan Province Tourism Skills Exposition.

Ang naturang aktibidad ay isinagawa bilang pangunahing bahagi ng pagdiriwang ng Tourism and Creative Month sa buong lalawigan ng Pangasinan.

Inorganisa ang kaganapan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO), katuwang ang Association of Hospitality and Tourism Trainers and Educators of Pangasinan (AHTTEP)—ang kilalang samahan ng mga guro at tagapagsanay sa larangan ng turismo at hospitality.

Lumahok sa malaking exposisyon ang mga piling mag-aaral mula sa 23 Higher Education Institutions (HEIs) at Technical-Vocational Institutions (TVIs) na kasapi ng AHTTEP sa buong lalawigan.

Sa loob ng kompetisyon, nagpaligsahan ang mga estudyante sa iba’t ibang larangan gaya ng tour guiding, travel vlogging, paggawa ng travel brochures, hotel table setting, napkin folding, barista skills, bartending, cocktail mixing, at food plating.

Sa pamamagitan ng mga paligsahang ito, naipakita ng mga kalahok ang kanilang mataas na antas ng kasanayan, pagkamalikhain, at dedikasyon sa napiling larangan.

Ayon sa PTCAO, isinagawa ang Dayew 2026 upang malinang nang husto ang praktikal na kakayahan ng mga mag-aaral at maihanda sila sa mga tunay na oportunidad at hamon sa industriya ng turismo at hospitality.

Samantala, patuloy naman ang buong suporta ng pamahalaang panlalawigan sa mga programang nagbibigay-daan sa mga kabataang Pangasinense upang mahasa ang kanilang mga potensyal at maging handa bilang mga hinaharap na propesyonal sa larangan ng turismo.