DEPED

Dagupan City – Hinimok ng Center for Teachers Development, Inc., sa pangunguna ni ng presidente ng grupo na si Melchor V. Cayabyab, ang pamahalaan na bumuo ng komprehensibong plano upang matugunan ang epekto ng matinding init sa mga paaralan.

Kasunod ito ng hakbang ng Department of Education (DepEd) na hindi gawing sapilitan ang pagsusuot ng uniporme upang maibsan ang init na nararanasan ng mga mag-aaral.
‎
Ayon kay Cayabyab, pansamantalang lunas lamang ang pagluwag sa patakaran sa uniporme kung hindi matutugunan ang mga pangunahing suliranin sa mga silid-aralan, kabilang ang kakulangan sa maayos na bentilasyon at iba pang pasilidad na makatutulong sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga estudyante.
‎
Iminungkahi rin niya ang pagdedeklara ng National Climate emergency upang mabigyang-prayoridad ang mga hakbang laban sa epekto ng matinding init.

Kabilang dito ang pagpapatupad ng mga pangmatagalang programa para maprotektahan ang kalusugan ng mga mag-aaral at guro, gayundin ang pagpapanatili ng maayos na kondisyon sa mga paaralan.
‎
Kasabay nito, nanawagan ang grupo na dagdagan ang pondong nakalaan sa sektor ng edukasyon, partikular para sa pagpapahusay ng imprastraktura at bentilasyon ng mga silid-aralan.

--Ads--

Gayunman, kailangan pang matukoy ang kaukulang alokasyon at mga programang ipatutupad upang matiyak na magiging sapat at pangmatagalan ang pagtugon ng pamahalaan sa epekto ng matinding init na panahon.