Dagupan City – Naging tampok ang tradisyonal na mga larong Pilipino sa unang linggo ng LGU Sportsfest 2026 ng lokal na pamahalaan ng Binmaley, Pangasinan, na naglalayong palakasin ang pagkakaisa at samahan ng mga kawani.

Nagtagisan ng galing, bilis at lakas ang mga kalahok sa mga larong Tug of War, Patintero at Relay with a Twist, na nagbigay ng pagkakataon sa mga empleyado ng pamahalaang bayan na makilahok sa masiglang kompetisyon.

Pinakaumagaw-pansin sa aktibidad ang Relay with a Twist, kung saan sabay-sabay na kinanta ng mga manlalaro ang Binmaley Hymn bilang pagpapakita ng kanilang pagmamalaki at pagmamahal sa bayan.

--Ads--

Bukod sa kompetisyon, layunin ng Laro ng Lahi na buhayin ang mga tradisyonal na larong Pilipino at hikayatin ang mga kawani na makibahagi sa mga gawaing nagtataguyod ng aktibong pamumuhay.

Sa pamamagitan ng LGU Sportsfest 2026, patuloy na isinusulong ng lokal na pamahalaan ang malusog na pangangatawan, pagtutulungan at matibay na ugnayan ng mga kawani sa pamamagitan ng palakasan at iba pang makabuluhang aktibidad.