Dagupan City – Umabot sa 37 aplikante ang natanggap agad sa trabaho sa isinagawang Cooperative Month Job Fair sa Municipal Atrium sa Lingayen, Pangasinan.
Ayon sa Public Employment Service Office (PESO) ng Lingayen, may kabuuang 168 aplikante ang nagparehistro sa aktibidad. Bukod sa 37 na hired on the spot, 28 aplikante naman ang malapit nang matanggap, habang 90 ang kwalipikadong magpatuloy sa proseso ng pag-aaplay para sa mga trabahong iniaalok.
Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Lingayen, sa pamamagitan ng PESO, katuwang ang Municipal Cooperative Development Office, ang job fair bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Cooperative Month.
Anim na employer ang lumahok sa aktibidad at nag-alok ng iba’t ibang oportunidad sa trabaho para sa mga residente at iba pang naghahanap ng mapapasukan.
Layunin ng programa na maiugnay ang mga aplikanteng naghahanap ng trabaho sa mga employer at makatulong sa pagbubukas ng mas maraming oportunidad sa hanapbuhay sa bayan ng Lingayen.










