Patuloy na mino-monitor ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyong may international name na Champi, na kasalukuyang nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngunit inaasahang maaaring pumasok sa nasabing monitoring area sa Martes o Miyerkules.
Ayon kay Gener Quitlong, weather specialist ng PAGASA, nananatiling malakas ang bagyo at hindi inaalis ang posibilidad na lumakas pa ito at maging super typhoon.
Gayunman, wala pang inilalabas na bulletin ang ahensya hinggil sa sistema dahil hindi pa ito pumapasok sa PAR.
Ipinaliwanag ni Quitlong na maglalabas ang PAGASA ng kaukulang bulletin kapag nakapasok na sa PAR ang bagyo upang maipabatid sa publiko ang pinakabagong impormasyon tungkol sa lakas, direksiyon at posibleng epekto nito.
Batay sa kasalukuyang datos at galaw ng bagyo, posibleng dumaan ito sa karagatang malapit sa silangang bahagi ng Northern Luzon.
Gayunman, nilinaw ng weather specialist na sa ngayon ay wala pang indikasyong direktang tatama ang Champi sa kalupaan ng Pilipinas.
Binigyang-diin din niya na kailangan pa ring patuloy na subaybayan ang bagyo dahil maaari pang magbago ang direksiyon at kilos nito habang patuloy na kinukuha at sinusuri ang mga bagong datos.










