Mariing binatikos ng grupo ng mga guro ang pahayag at iminungkahing pagpapahintulot ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara sa pagsuot ng mga sleeveless na damit o sando para sa mga mag-aaral bilang tugon sa matinding init sa mga paaralan dulot ng El Niño sa bansa.
Sa isang panayam, tinawag ni Ruby Bernardo, Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, na “senseless” at hindi nakatuntong sa tunay na kalagayan ng mga pampublikong paaralan.
Aniya, hindi na bago ang problema ng mga “malapugon” na silid-aralan sa bansa at hindi sando ang sagot sa kakulangan ng maayos na pasilidad.
Punto pa nito na magdudulot lamang ito ng dagdag na pasanin sa pananalapi ng mga pamilya, lalo’t marami sa mga estudyante ang walang pambili ng bagong kasuotan.
Bukod dito, binigyang-diin niya na ang tunay na ugat ng suliranin ay ang kawalan ng maayos na bentilasyon, kuryente, at sapat na pasilidad sa tubig sa libo-libong paaralan sa buong bansa.
Ibinunyag din ni Bernardo na nasa 1,600 na mga pampublikong paaralan sa kasalukuyan ang wala pa ring maayos na supply ng kuryente, habang marami rin ang salat sa malinis na tubig at maayos na palikuran (C.R.).
Saad pa nito na madalas na ang mga guro at magulang pa ang nag-aambagan at naglalabas ng sariling pera upang matugunan lamang ang mga kakulangang ito.
Dahil dito, nanawagan ang grupo sa administrasyong Marcos at sa DepEd na magpatupad ng mga long-term solution tulad ng pagtatayo ng mga climate-resilient classrooms sa halip na umasa sa mga panandaliang remedyo (short-term solutions).
Kabilang sa mga iminumungkahi ng grupo ang magpatawag agad ang DepEd ng diyalogo kasama ang mga guro, magulang, at estudyante upang alamin ang tunay na sitwasyon sa mga paaralan, isama sa pambansang badyet ang pondong nakalaan sa pagpapatayo ng mga pasilidad na kayang humarap sa mga hamon ng climate crisis at extreme heat index at isaalang-alang ng Senado ang humigit-kumulang ₱44 bilyong nakaltas sa pondo ng edukasyon upang maitustos sa mga pangunahing pangangailangan ng mga paaralan.
Pagbabahagi pa nito na sa halip na maging “reactive” tuwing may krisis, dapat ay matagal nang pinaghahandaan ng pamahalaan ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga guro at mag-aaral sa gitna ng pagbabago ng klima.










