Dagupan City – Ipinatupad ng Lokal na Pamahalaan ng Sison ang pansamantalang pagbabawal sa pagpasok ng mga buhay na baboy mula sa ibang bayan bilang isang mabilis at preventative na hakbang laban sa banta ng African Swine Fever (ASF).

Ito ay matapos opisyal na ilabas noong Oktubre 13, 2026 ang Executive Order No. 10-38, Series of 2026, na naglalayong protektahan ang lokal na industriya ng paghahayupan at ang kabuhayan ng mga residente.

Agad na nagkaroon ng bisa ang naturang kautusan sa araw ng pagpapatibay nito at mananatiling umiiral hangga’t walang bagong probisyon o pagbabago na inilalabas ang pamahalaang bayan.

Ang ASF ay isang matinding nakahahawang sakit na mabilis na pumapatay sa mga alagang baboy at nagdudulot ng malaking pagkalugi sa mga hog raiser at kaugnay na negosyo.

Dahil dito, binigyang-diin ng pamahalaang bayan ang kahalagahan ng maagang pagharang sa posibleng pinagmumulan ng impeksyon mula sa labas ng bayan.

Kasabay ng pagpapatupad ng EO, mahigpit na pinapaalalahanan ng mga awtoridad ang mga hog raiser at transporter na mahigpit na sumunod sa mga biosecurity measures at alituntunin sa pagbiyahe ng mga alagang hayop.

Inaatasan din ang mga negosyante at ang buong publiko na buong-pusong makipagtulungan sa mga nakatalagang checkpoint at awtoridad upang makatulong sa pagpapanatili ng kaligtasan ng lokal na pangkabuhayan.

Patuloy na humihingi ng kooperasyon at pagiging mapagmatyag ang pamahalaang bayan mula sa lahat ng mga stakeholder upang panatilihing ligtas at malayo sa banta ng ASF ang bayan ng Sison.