Pinaalalahanan ng Dagupan City Market Division ang mga mamimili na tiyaking sariwa at tama ang timbang ng kanilang mga binibili upang maprotektahan ang kanilang karapatan bilang konsyumer.

Ayon kay Myra Padilla ng Dagupan City Market Division Committee, may nakahandang timbangan sa harap ng tanggapan ng Market Division na maaaring gamitin ng mga mamimili upang beripikahin kung wasto ang timbang ng mga produktong kanilang binili sa palengke.

Kapag napatunayang kulang ang timbang ng isang produkto, maaaring humingi ng tulong ang mamimili sa mga nakatalagang awtoridad upang maipabatid ang insidente at maaksyunan ang reklamo laban sa kinauukulang tindero.

--Ads--

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagsunod ng mga nagtitinda sa mga alituntunin ng palengke, kabilang ang pagbabawal sa mga ipinagbabawal na gawain sa bentahan. Ayon kay Padilla, pinagsasabihan ang mga nagtitinda na mahuling lumalabag sa mga patakaran, habang maaaring ipatupad ang kaukulang hakbang depende sa paglabag.

Hinikayat naman ang mga mamimili na maging mapanuri sa kalidad at timbang ng kanilang mga pinamili, gayundin ang mga nagtitinda na maging tapat sa kanilang transaksiyon upang mapanatili ang maayos at patas na kalakalan sa Dagupan City Public Market.