Inaasahang magsasagawa ng panibagong malawakang welga at mga rally sa France sa Sabado, ika-17 ng Oktubre, na posibleng salihan ng grupong Gilets Jaunes o Yellow Vests, sa gitna ng nagpapatuloy na mga kilos-protesta ng mga estudyante laban sa mga hinaing sa sistema ng edukasyon at kalagayan ng mga paaralan.
Ang posibleng pagsali ng Yellow Vests ay maaaring magpalawak sa protesta mula sa sektor ng mga estudyante tungo sa iba pang bahagi ng lipunan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vladelyte Valdez, Bombo International News Correspondent sa France, sinabi nitong nagpapatuloy ang mga rally at pagharang ng mga estudyante sa ilang paaralan, na nagresulta sa pagkaantala ng regular na klase.
Ayon kay Valdez, personal niyang nasaksihan ang pagharang sa pasukan ng paaralan ng kanyang anak gamit ang mga basurahan at iba pang bagay, dahilan upang hindi pa maibalik sa normal ang mga klase.
Kabilang din sa mga hinaing ng mga nagpoprotesta ang umano’y paggamit ng puwersa ng mga pulis.
Inaasahan namang makikipagpulong ang mga student union sa mga kinatawan ng pamahalaan upang talakayin ang kanilang mga kahilingan at humanap ng posibleng solusyon sa nagpapatuloy na sigalot.
Bukod sa mga paaralan, apektado na rin ang transportasyon sa ilang bahagi ng France dahil sa mga pagharang sa mga pasukan at labasan ng mga istasyon ng metro.
Gayunman, sinabi ni Valdez na nakadepende pa rin sa magiging tugon ng pamahalaan sa mga hinaing ng mga nagpoprotesta ang susunod na mangyayari sa mga kilos-protesta.
Home International News Panibagong malawakang welga at mga rally sa France, inaasahan sa posibleng pagsali...










