
Nagpasalamat si Pope Leo XIV sa mga Katolikong patuloy na nagdarasal para sa kaniyang paggaling, sa kaniyang unang mensahe matapos sumailalim sa operasyon kaugnay ng lung cancer.
Sa mensaheng ipinadala sa mga kalahok sa isang symposium na nagmamarka sa ika-10 anibersaryo ng Amoris Laetitia, hiniling ng Santo Papa na ipagpatuloy nila ang pagdarasal para sa kaniya, kasabay ng pangako niyang ipagdarasal din ang mga ito.
Nagpasalamat din ang Santo Papa sa kanilang mga panalangin at sa pagbabahagi ng mga karanasan at pakikinig sa isa’t isa, na aniya’y mahalagang handog sa Simbahan.
Sumailalim si Pope Leo sa operasyon sa Gemelli Hospital sa Rome, Italy, kung saan inalis ng mga doktor ang ibabang bahagi ng kaniyang kanang baga matapos makumpirma ang lung adenocarcinoma, isang uri ng kanser sa baga.
Ayon sa kaniyang mga doktor, inaasahan ang maayos na paggaling ng 71-anyos na Santo Papa. Nakalakad na rin siya sa loob ng kaniyang silid sa ospital habang nagpapatuloy ang kaniyang recovery.
Kinansela muna ng Vatican ang kaniyang mga pampublikong aktibidad hanggang Oktubre 20 habang nagpapagaling.








