Nilinaw ng pamahalaang panlungsod ng Dagupan na wala umanong massive fishkill sa lungsod, kasunod ng ulat ng paglutang ng mga alagang isda sa mga palaisdaan sa Pugaro Suit, Dagupan City nitong Lunes. Posible kasi umano itong makaapekto sa presyo ng bangus sa mga pamilihan sakaling may napapaulat na malawakang pinsala ng mga alagang bangus sa lungsod.
Ayon kay Mae Ann Salomon ng City Agriculture Office, kasama ang alkalde, agad na sinuri ng kanilang tanggapan ang mga fish pen sa lugar kasunod ng mga ulat. Katunayan aniya, sa isinagawang pag-iikot, may nakita silang mga palaisdaang nag-harvest ng bangus at mga gumaganang water pump. Indikasyon umano ito na buhay ang mga alagang bangus sa palaisdaan.
Bilang tugon sa epekto ng matinding init ng panahon, pinag-aaralan ng pamahalaang panlungsod ang pagbili ng mga water pump na maaaring ipahiram sa mga apektadong mangingisda. Posible kas umanong magpatuloy ang mataas na temperatura hanggang Marso ng susunod na taon, kaya kabilang sa mga tinutukoy na hakbang ang pagpapabuti ng sirkulasyon ng tubig sa mga palaisdaan.
Pinayuhan din ng City Agriculture Office ang mga mangingisda na tiyaking naaayon sa kapasidad ng kanilang mga fish pen ang dami ng bangus na aalagaan kapag muling nagpakawala ng mga isda. Paliwanag niya, kapag kasi sumobra ang stocking, maaaring bumaba ang antas ng dissolved oxygen sa tubig at magdulot ng pagkamatay ng mga alagang bangus.









