Dagupan City – Posibleng pagbaba ng dissolved oxygen o natunaw na oxygen sa tubig ang dahilan ng pagkamatay ng iba’t ibang uri ng isda sa mga palaisdaan, ayon sa isang dating direktor ng National Integrated Fisheries Technology Development Center ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ayon sa eksperto, nakatanggap umano siya ng mga litrato ng mga patay na isda. Bagama’t maraming posibleng sanhi ng fish kill, kabilang ang kontaminasyong kemikal, posibleng nagkulang ang oxygen sa tubig na kailangan ng mga isda upang mabuhay.

Ipinaliwanag niyang sa panahon ng tag-init, maaaring mas mabilis kumain at lumaki ang mga isda. Gayunman, kung hindi sapat ang kapasidad ng tubig na magpanatili ng dissolved oxygen, maaari itong humantong sa pagkamatay ng mga alagang isda.

--Ads--

Bilang hakbang upang maiwasan ito, iminungkahi ng eksperto ang selective harvesting o maagang pag-aani sa piling mga isda upang mabawasan ang dami ng alaga at maiwasan ang sobrang taas na biomass. Maaari ring gumamit ng aerator, ngunit hindi umano ito sapat kung hindi matutugunan ang iba pang sanhi ng problema.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng mas siyentipikong pamamaraan sa pag-aalaga ng isda, kabilang ang pagkontrol sa stocking density o dami ng isda kada cubic meter ng tubig. Kapag sobra ang dami ng isda at marumi ang fish pen, bumabagal umano ang kanilang paglaki at maaaring malugi ang mga mag-aalaga.

Iminungkahi rin ng eksperto ang pagsasagawa ng siyentipikong profiling sa mga ilog sa lalawigan upang matukoy ang kondisyon at kapasidad ng mga ito. Sa pamamagitan nito, mas maiaangkop ang dami ng alagang isda sa kakayahan ng katubigan at mas mapananatili ang produksiyon ng bangus at iba pang isda.