Pinaigting ng pamunuan ng Mangaldan National High School ang inspeksiyon sa mga gamit ng mga estudyante sa pagpasok sa paaralan, kasunod ng mga insidente ng pagpupuslit umano ng mga ipinagbabawal na bagay, kabilang ang vape at mga bagay na maaaring gamitin bilang sandata.
Ayon kay Danilo S. Eden, assistant school principal, mas naging mapanuri ang pamunuan sa pagtiyak na walang naipapasok na mga naturang gamit sa loob ng paaralan. Kabilang sa sinusuri ng mga guwardiya ang mga bag, tumbler at sapatos ng mga estudyante, matapos umanong may mga pagkakataong nahuhulian ng vape ang mga estudyante sa mga naturang lalagyan.
Dagdag niya, May mahigit 20 tauhan ng seguridad ang paaralan, bukod pa sa karagdagang puwersa mula sa mga awtoridad. Ayon sa pamunuan, nakatalaga ang mga ito sa apat na gate upang bantayan ang pagpasok at paglabas ng mga estudyante at iba pang pumapasok sa paaralan.
Aminado ang pamunuan na hamon ang mahigpit na pagbabantay, ngunit magpapatuloy ang inspeksiyon bilang bahagi ng mga hakbang sa seguridad. Layunin nitong maiwasan ang pagpasok ng mga mapanganib na bagay at mapanatili ang kaligtasan ng mga estudyante at guro sa loob ng paaralan.










