Handa na ang House Prosecution Panel na harapin at busisiin ang mga testigong ihaharap ng kampo ng depensa sa nagpapatuloy na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam ng Bombo Radyo Iloilo, inihayag ni Atty. Hez Montalan, deputy spokesperson ng prosecution panel, na nakahanda ang kanilang grupo na isagawa ang cross-examination upang suriin ang kredibilidad ng mga testigo at ang kaugnayan ng mga pahayag nito sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente.
Binigyang-diin ni Montalan na bukod sa direktang pagtatanong, nakahanda rin ang panig ng prosekusyon na maghain ng mga kaukulang objection laban sa mga tanong o argumentong kuwestiyonable at hindi sumusunod sa mga itinakdang alituntunin ng impeachment proceedings.
Inaasalang magiging kritikal ang susunod na yugtong ito ng paglilitis sapagkat dito susubukin ang integridad ng mga ebidensya at testimonya ng magkabilang panig sa ilalim ng tamang proseso ng batas.
Muling iginiit ng opisyal na mahalagang mapanatili ang kaayusan at pagtalima sa mga patakaran ng impeachment court upang matiyak ang patas at transparent na paglabas ng katotohanan ukol sa kaso.










