‎Pinaigting ng Public Order and Safety Office (POSO) ng Mangaldan, Pangasinan, katuwang ang pulisya, ang pagpapatupad ng Oplan Sita tuwing Lunes hanggang Biyernes upang matugunan ang patuloy na mga reklamo kaugnay ng mga kolorum na tricycle sa bayan. Kabilang sa mga hakbang ang regular na pagbabantay at pagpapatupad ng mga kaukulang regulasyon sa mga pampasaherong sasakyan.
‎
‎Ayon kay Gerardo Ydia, hepe ng POSO sa Mangaldan, patuloy silang nakatatanggap ng mga reklamo tungkol sa mga kolorum na tricycle. Ilan na rin umano ang kanilang nahuli at na-impound, ngunit sinabi niyang agad ding nairerelease ang mga nakumpiskang sasakyan. Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng tanggapan sa mga pangulo ng tricycle operators and drivers associations o TODA upang matugunan ang problema.
‎
‎Samantala, bagama’t bumuti na ang lagay ng panahon, may ilang miyembro pa rin ng mga TODA ang hindi bumibiyahe dahil sa mataas na presyo ng gasolina. Dahil dito, napipilitan umanong humanap ng pansamantalang pagkakakitaan ang ilang tricycle operator, kabilang ang pagtatrabaho sa konstruksyon.
‎
‎Patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa mga kolorum na tricycle sa gitna ng mga natatanggap na reklamo. Gayunman, nananatiling hamon ang pagpapanatili ng pagsunod sa mga regulasyon habang kinakaharap din ng mga tsuper ang pagtaas ng gastusin sa pamamasada.