Dagupan City – Nagpahayag ng pagkadismaya si San Carlos City Mayor Resuello kaugnay ng umano’y maruming pamumulitika sa lungsod, na aniya’y isa sa mga pinakamabibigat na karanasang kaniyang hinarap sa loob ng 30 taon sa serbisyo publiko.
Ayon kay Resuello, mula sa pinakamababang posisyon sa pamahalaan hanggang sa pagiging alkalde ay ngayon lamang umano niya naranasan ang ganitong uri ng pamumulitika.
Aniya, hindi dapat manaig ang paggamit ng social media upang siraan ang mga opisyal sa halip na kilalanin ang kanilang mga nagawa para sa lungsod.
Binigyang-diin ng alkalde na dapat ipagtanggol ang lungsod at ang mga proyektong ipinatupad para sa kapakanan ng mga residente.
Aniya, may mga taong umano’y binabayaran upang atakehin ang mga opisyal, ngunit ang tunay na naaapektuhan ng ganitong mga hakbang ay hindi lamang ang mga opisyal kundi maging ang mga nagawa at pinagsikapan para sa lungsod.
Inamin din ni Resuello na wala umano siyang nakikitang paraan upang pigilan ang ganitong mga pangyayari, at inaasahan niyang maaari rin siyang batikusin kapag nagsalita siya tungkol sa isyu.
Gayunman, iginiit niyang mas mahalagang isipin ang mensaheng naipapakita sa mga kabataan kaysa sa mga personal na pag-atake sa kaniya.
Babala ng alkalde, hindi dapat maging normal sa mga susunod na henerasyon ang pagsira sa sinumang nakaupong opisyal para lamang sa pansariling interes o kapakinabangan ng susunod na kandidato, sa halip na unahin ang kapakanan ng lungsod.










