Dagupan City – Opisyal nang binuksan sa publiko ang inaabangang Art Luzon sa Diwa ng Tarlac.

Ang nasabing taunang eksibisyon ng sining ay pinangangasiwaan ng Tarlac Provincial Tourism Office.

Dala ang temang ‘Across Regions’, tampok sa aktibidad ang iba’t ibang uri ng obra maestra na nagpapakita ng puso, dedikasyon, at natatanging pagkamalikhain ng mga dalubsining mula sa iba’t ibang panig ng Luzon.

--Ads--

Nanguna sa pagbubukas ng eksibisyon si Tarlac Governor Christian Yap, kasama sina Tarlac City Mayor Susan Yap, Board Member Pearl Pacada, at si Melissa Yeung-Yap na isa sa mga pangunahing nangasiwa sa Art Luzon.

Sa kaniyang mensahe, ipinagmalaki ni Gov. Yap ang naging pag-unlad at tagumpay ng kaganapan bilang host province.

Ang Art Luzon ay bahagi ng mga nakalinyang programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Tarlac upang higit pang mapalakas ang sektor ng sining sa probinsya at sa buong rehiyon.

Layunin nitong magbigay ng malaking plataporma para sa mga lokal na artist at ipaalala sa publiko na ang sining ay para sa lahat.

Bukas ang eksibisyon para sa lahat ng mamamayan ng Tarlac at mga karatig-bayan simula noong Oktubre 10 at magtatagal hanggang Oktubre 18.