Tinitiyak ng Waste Management Division (WMD) ng Dagupan City ang kaligtasan at kalusugan ng kanilang mga personnel at street sweepers kasunod ng patuloy na nararanasang matinding init ng panahon sa lungsod dulot ng El Niño.

Sa isang panayam, ibinahagi ni WMD Head Bernard Cabison na nakatutok ang kanilang tanggapan partikular sa mga manggagawang nakaduty sa hapon na naglilingkod mula alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-6:00 ng gabi.

Naglabas ng mga paalala at diskarte ang pamunuan ng WMD para sa kanilang mga tauhan upang maiwasan ang heat stroke, dehydration, at iba pang karamdaman dulot ng sobrang init,

--Ads--

Paulit-ulit na pinaalalahanan ang mga manggagawa na magdala at palaging uminom ng tubig habang nagtatrabaho upang mapanatiling hydrated ang katawan.

Inirerekomenda rin ng pamunuan na unahin muna nilang linisin ang mga lugar na may lilim habang napakatindi ng sikat ng araw.

Bukod dito, pinapayuhan din ang mga empleyado na magpahinga muna kapag masyadong matindi ang init bago ituloy ang pagronda upang maiwasan ang direktang exposure sa araw.

Sa kabila ng araw-araw na pagtatrabaho sa ilalim ng pambihirang init, inihayag ni Cabison na wala pang naitalang nagkakasakit sa kanilang hanay.