Dagupan City – Binigyang-diin ni Dr. Beverly Fernandez, pangulo ng Philippine Guidance and Counseling Association (PCGA) Pangasinan Chapter, ang kahalagahan ng pag-unawa at pakikinig sa mga taong may pinagdaraanan bilang bahagi ng paggunita sa World Mental Health Month ngayong Oktubre.
Ayon kay Fernandez, sa ilalim ng temang Lived Experience, Heard Real Voices, Real Change, mahalagang kilalanin na magkakaiba ang karanasan at pananaw ng bawat tao kaya hindi dapat ikumpara o maliitin ang pinagdaraanan ng iba.
Samantala, inilunsad ng PCGA, katuwang ang Pangasinan State University, ang programang GABAY na nagbibigay ng libreng pagsasanay sa mga kasalukuyan at nagnanais maging school counselor associates. Mahigit 230 indibidwal na umano ang nakilahok sa programa sa buong bansa, kasunod ng mga puna tungkol sa kakulangan ng kasanayan ng ilang personnel sa pagbibigay ng mental health services sa mga mag-aaral.
Binigyang-babala rin ni Fernandez ang posibilidad ng self-diagnosis sa kabila ng lumalawak na kaalaman ng publiko tungkol sa mga isyung pangkaisipan. Hinimok niya ang mga mamamayan na kumonsulta sa mga eksperto, palawakin ang access sa mga programa at pasilidad para sa mental health, at huwag mag-atubiling magpahinga o humingi ng tulong kapag hindi na kayang harapin ang mga pinagdaraanan.










