Nasawi ang isang 8-anyos na batang babae matapos malunod sa isang palaisdaan sa lugar ng Baybay Pulong, Binmaley, Pangasinan noong Oktubre 7, 2026.
Ayon kay PLtCol. Lister A. Saygo, Chief of Police ng Binmaley Municipal Police Station, natagpuan ng ama ang tsinelas ng bata malapit sa isang puno at palaisdaan nang hanapin niya ito matapos umuwi mula sa trabaho. Agad siyang humingi ng tulong sa pulisya, na nakipag-ugnayan din sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang maisagawa ang pagsagip.
Gayunman, idineklarang patay ang bata pagdating sa ospital. Batay sa paunang impormasyon ng pulisya, naiwan ang bata sa kanilang bahay habang nagtatrabaho ang kaniyang ama.
Dahil maraming palaisdaan sa Binmaley at bahagi ng kabuhayan ng mga residente ang pangingisda, pinaalalahanan ng pulisya ang mga magulang na huwag iwang walang nagbabantay ang mga bata, lalo na ang mga menor de edad na hindi marunong lumangoy. Nakikipag-ugnayan din ang kapulisan sa mga opisyal ng barangay upang palakasin ang paalala sa komunidad.
Hinimok din ang mga may-ari ng palaisdaan na maglagay ng sapat na harang o lambat sa mga gilid upang maiwasang makapasok o mahulog ang mga bata. Binigyang-diin ng pulisya ang kahalagahan ng pagbabantay sa mga bata, lalo na kapag naglalaro malapit sa mga palaisdaan, upang maiwasan ang kaparehong trahedya.










