Tiniyak ng pamunuan ng pampublikong pamilihan ng Lingayen na dumaraan sa kaukulang pagsusuri at dokumentasyon ang mga baboy na kinakatay sa slaughterhouse upang matiyak ang kaligtasan ng karneng ibinebenta sa mga mamimili.

Ayon kay Arnulfo S. Bernardo, Market Supervisor IV ng Lingayen, nagmumula sa mga lehitimong babuyan o commercial farms ang mga baboy na dinadala sa katayan, sa halip na mula sa mga alagang baboy sa bakuran. Kinakailangan ding kumpleto ang mga dokumento bago pahintulutang makapasok at makatay ang mga ito.

Nakikipagtulungan din ang pamunuan sa National Meat Inspection Service (NMIS) sa pagpapatupad ng mga pamantayan para sa malinis at ligtas na karne, kabilang ang paghahanda para sa pagsusuri kaugnay ng African Swine Fever (ASF). Sa ngayon, wala pa umanong naitatalang produktong karne na nahuhuling hindi nakatutugon sa mga kinakailangang dokumento.

--Ads--

Wala ring ipinatutupad na karagdagang restriksiyon sa pagpasok ng mga baboy sa Lingayen Public Market batay sa impormasyong ibinahagi ni Bernardo. Gayunman, mahigpit na sinusuri ang mga dokumentong nagpapatunay sa pinagmulan ng mga baboy bago ang pagkatay.

Pinayuhan naman ang mga mamimili na iwasang bumili ng karne mula sa hindi beripikadong online sellers dahil maaaring walang kaukulang Meat Inspection Certificate ang mga produktong ibinebenta. Sa halip, hinihikayat silang bumili sa mga awtorisadong pamilihan kung saan mas madaling matiyak ang pinagmulan at inspeksiyon ng karne.