Dagupan City – Ganap nang binuksan sa publiko para sa trial phase nito ang bagong itinayong Pontoon Bridge sa Tarlac River.
Ang nasabing footbridge ay nagsisilbing pansamantalang tawiran ng mga residente patungo sa western side ng lungsod habang hindi pa inaayos ang Aquino Bridge.
Bago ang opisyal na pagbubukas, nagsagawa muna ng serye ng load test ang City Engineer’s Office upang masuri ang katatagan at kapasidad ng tulay para matiyak ang kaligtasan ng mga gagamit nito.
Isinakatuparan ang proyekto sa pamamagitan ng pagtutulungan ng City Engineer’s Office at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kasama ang suporta ng pambansang pamahalaan sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., MMDA Chairman Atty. Romando Artes, at Cabinet Secretary Benhur Abalos.
Ayon sa pamahalaang lokal, maaari lamang tumawid sa pontoon bridge hanggang alas-8:00 ng gabi.
Nagpalabas din ng mga alituntunin at paalala ang mga awtoridad para sa maayos at ligtas na pagtawid ng publiko. Kabilang dito ang pagbabawal sa pagtakbo, pagtalon, at pagtambay sa tulay.
Pinapayuhan din ang mga mamamayan na magsuot ng komportableng sapatos o tsinelas, iwasan ang pagsiksikan at pag-uunahan, huwag hayaang maglaro ang mga bata, at ipinagbabawal ang pagdaan ng mga nakainom o lasing.
Patuloy na nanawagan ang mga opisyal ng lungsod sa kooperasyon at disiplina ng bawat isa habang ginagamit ang pansamantalang tawiran.










