Maglalaan ng karagdagang pondo ang Pamahalaang Lungsod ng Dagupan sa susunod na taon upang matapos na ang konstruksyon ng Bagong City Hall sa Downtown area habang isinusulong na rin ang pampublikong pabahay para sa mga kawani ng pamahalaan.

Ito ang inihayag ni Mayor Belen T. Fernandez matapos ipaliwanag ang mga hamong kinakaharap ng proyekto na humigit-kumulang 8 hanggang 9 na taon nang naantala o hindi pa natatapos dahil sa mga nagdaang usaping pulitikal at pagbabago sa sistema ng pagpopondo.

Sa kasalukuyan, nananatili ang pangunahing operasyon ng pamahalaang lungsod sa lumang complex sa A.B. Fernandez Avenue habang unti-unting itinutuloy ang bagong pasilidad pero kulang parin sa pondo upang matapos.

Nilinaw nito ang malaking pagkakaiba sa sistema ng pagpopondo sa proyekto kumpara sa mga naunang plano ng lungsod.

Ayon sa alkalde, nakapaglaan ang lungsod noong simula ng humigit-kumulang ₱200 milyon para sa proyekto nang walang kinukuhang anumang pautang sa bangko.

Subalit, nagkaroon ng aberya nang mawala o magamit sa iba ang nakatagong pondo at pumasok ang sistema ng pira-pirasong pagpopondo o phase-by-phase budgeting ng mga nagdaang administrasyon.

Ipinunto rin ni Mayor Fernandez na sa pondo nitong halos ₱200 milyon na naigastos na sa kasalukuyang site para sa mga paunang phase, napakaliit pa rin ng naiabante ng estruktura kung ikukumpara sa naunang 4-story building na ipapatayo sa lungsod sa kaparehong halaga.

Dahil dito, kailangan pa ng panibagong alokasyon ng pondo mula sa LGU sa susunod na taon upang patuloy na maitaguyod ang pagtatapos ng Bagong City Hall.

Sa kabila ng mga hamon sa pagpapatuloy ng City Hall, inihayag din ng alkalde ang magandang balita ukol sa pampublikong pabahay para sa mga kawani ng pamahalaan sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang naturang proyekto ay pangunahing nakalaan para sa mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan.

Kapag may natira pang mga yunit, bubuksan din ito para sa mga guro at kawani ng iba pang ahensya ng gobyerno.