Nasawi ang isang babae matapos malunod sa dagat sa Barangay Rabon sa bayan ng San Fabian pasado alas dos ng Hapon nitong Martes. Isinugod pa sa ospital ang biktima matapos itong matagpuang lumulutang sa tubig ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon kay PLTCOL Roldan Cabatan, OIC ng San Fabian MPS Batay sa salaysay ng testigo, nagpapahinga umano siya nang mapansin ang biktima na mag-isa Makalipas ang ilang minuto, nagtungo ang babae sa dagat at lumangoy sa bahaging tinatayang tatlong talampakan ang lalim.
Hindi nagtagal, hindi na nakita ang biktima hanggang sa mapansin itong lumulutang sa tubig. Agad humingi ng tulong ang testigo sa mga opisyal ng barangay at iniulat ang insidente sa pulisya. Nang dumating ang mga rumespondeng pulis, agad nilang iniahon ang biktima at agad na nagsagawa ng CPR bago dinala sa pinakamalapit na pagamutan.
Gayunman, hindi na nailigtas ang biktima at idineklarang dead on arrival sa ospital. Samantala, kabilang sa mga nakarekober sa kaniyang mga gamit ang gamot na carbamazepine, na ginagamit sa paggamot ng epilepsy. Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari sa naturang insidente.










