Dagupan City – Naghahanda ang Agricultural Training Institute Regional Training Center One ng mga bagong extension program na nakatuon sa pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda, kabilang ang Extension on Wheels 2.0 at ang REMAT Extension Project.
Ayon kay Dr. Jayvee Bryan G. Carillo, Center Director ng ATI-RTC One, nakatakdang ilunsad ngayong Oktubre ang bagong bersyon ng Extension on Wheels, na unang ginamit ng ATI upang makapaghatid ng serbisyo at kaalaman sa mga malalayong komunidad.
Sa bagong bersyon nito, kabilang sa tututukan ng programa ang paghahanda ng mga farmers at fisherfolk sa posibleng epekto ng El Niño, sa pamamagitan ng technical briefings at iba pang interventions.
Kasunod nito, nakatakda rin sa 2027 ang pilot implementation ng REMAT Extension Project, na magiging banner extension project ng ATI Ilocos Region.
Sa ilalim ng programa, tutukuyin ang mga komunidad na nangangailangan ng intervention at ibabatay ang mga hakbang sa kanilang aktuwal na pangangailangan, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang national government agencies.
Ayon kay Carillo, magsisilbing pilot year ang 2027 bago unti-unting palawakin ang programa sa iba pang komunidad.









