Dagupan City – Isinusulong ng Schools Division Office Dagupan City ang mas matibay na pagkilala, proteksyon, at suporta para sa mga gurong Pilipino na itinuturing na pundasyon ng bawat propesyon sa bansa.

Ito ay kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day sa ilalim ng temang “Teacher, Ikaw Naman!”,

Sa isang panayam kay Dr. Edwin Ferrer, District Supervisor for Senior High School ng SDO Dagupan City, kaniyang binigyang-diin na oras na upang ang pamahalaan at buong lipunan naman ang mag-ukol ng tunay na pansin sa kapakanan ng mga tagapagturo.

--Ads--

Aniya, ang pagtuturo ang pinakamahirap na bokasyon dahil dito nagmumula ang lahat ng lider, doktor, inhinyero, at iba pang propesyonal.

Sa gitna ng mga selebrasyong nakalatag sa kanilang dibisyon, hindi isinantabi ni Dr. Ferrer ang mabibigat na hamong kinakaharap ng mga guro sa silid-aralan.

Ayon sa kaniya, bagamat mahuhusay ang mga tagapagturo ngayon, tila “nakakahon” ang kanilang kakayahang magdisiplina dahil sa Special Child Protection Policy Law.

Dahil dito, nanawagan siya sa pamahalaan na magpatupad din ng Special Teachers Protection Policy Law upang magkaroon ng patas na proteksyon sa loob ng paaralan.

Ipinaliwanag niya na sa kasalukuyang sistema, ang simpleng pagpapataas ng boses ng guro para ituwid ang maling asal ng bata ay madalas na naisusumbong agad bilang verbal abuse.

Binigyang-diin niya na ang de-kalidad na edukasyon noon ay nakasalalay sa simpleng pamumuhay, matinding pagsusumikap, at matibay na pagtutulungan ng magulang at guro sa pagdidisiplina sa mga bata.

Ayon pa sa kanya na upang mapanatili ang tunay na quality education, kailangang ibalik ang tuon sa values formation, spiritual nourishment, at tamang asal ng mga estudyante.

Walang silbi aniya ang labis na katalinuhan kung walang magandang asal at paggalang sa kapwa, kaya’t kailangang ibalanse ang ginto sa aral at ginto sa asal.

Samantala, tinawag naman ni Dr. Ferrer ang mga guro bilang mga “makabagong bayani” at “tagapanday ng pag-asa ng bayan” na patuloy na nag-aalay ng kanilang oras, talento, at sariling yaman para sa mga kabataan.

Sa Temang “Teacher, Ikaw Naman!”, muli niyang hinimok ang pamahalaan mula pambansa hanggang sa lokal na antas na unahin at pakinggan ang mga tunay na pangangailangan ng mga gurong Pilipino.