Dagupan City – Pangasinan Run Club at Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan ang magsasagawa ng ika-11 Community Run sa Oktubre 11, 2026, bilang bahagi ng paggunita sa Consumer Welfare Month.

Gaganapin ang aktibidad alas-4:30 ng madaling-araw sa Pangasinan Provincial Capitol, kung saan inaasahang lalahok ang mga running enthusiasts at miyembro ng komunidad.

Ito ang unang pagkakataon na nakipagtulungan ang DTI Pangasinan sa Pangasinan Run Club para sa kanilang Community Run series.

Layunin ng aktibidad na pagsamahin ang pagsusulong ng aktibo at malusog na pamumuhay at pagpapalaganap ng kamalayan tungkol sa ligtas na produkto, matalinong pagpili at responsableng pagkonsumo.

Itinuturing ng Pangasinan Run Club na mahalagang milestone ang pakikipagtulungan sa DTI Pangasinan at bahagi ito ng kanilang adbokasiya na gamitin ang running community bilang daan sa mga makabuluhang gawaing pangkomunidad.