Magpapatupad ng dagdag-pasahe sa mga tricycle ang ilang operator sa Urdaneta City, Pangasinan, kasunod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina. Mula sa dating P20, magiging P25 ang regular na pamasahe, habang mananatili sa P20 ang pasahe para sa mga estudyante, senior citizen at persons with disability.
Ayon kay Ramon Ramos, pangulo ng TODA sa lungsod ng Urdaneta, pinag-usapan ng pederasyon ang dagdag-singil dahil sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa gasolina at maintenance ng mga tricycle. Aminado si Ramos na kinakailangang dumaan sa lokal na pamahalaan ang anumang pagbabago sa pasahe, ngunit sinabi niyang nagkasundo muna ang mga operator na ipatupad ang dagdag na P5 dahil sa hirap ng kanilang kinikita sa pamamasada.
Nakatakda umanong ipatupad ang bagong pasahe sa mga rehistradong tricycle operator simula Lunes. May ilang reklamo na rin umano mula sa mga pasahero tungkol sa dagdag-singil, ngunit nananawagan ang mga driver ng pang-unawa dahil sa kanilang patuloy na pagtaas ng gastusin. Sinabi rin ni Ramos na wala pa silang natatanggap na fuel subsidy mula sa LTFRB at sa ikalawang bahagi ng ayuda mula sa DSWD.
Samantala, umaasa ang mga tricycle driver na makabawi ang kanilang kita sa nalalapit na holiday season. Nagpasalamat din si Ramos sa mga paalala at babala mula sa POSO Urdaneta, na aniya ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga driver na maitama ang mga paglabag habang patuloy na naaapektuhan ang kanilang kita sa pamamasada.










