Pinayagan ng Trial Chamber III ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ng Office of the Prosecutor na opisyal na ipasok sa record ang nakatalang testimonya ng testigong itinago sa pangalang “P-1100” sa ilalim ng Rule 68(3).

Sa desisyong inilabas nitong Oktubre 2, binawasan ng Korte sa isang oras—mula sa orihinal na hininging dalawang oras—ang nakalaang panahon para sa karagdagang pagtatanong ng Prosekusyon. Layunin ng hakbang na ito na mapanatiling mabilis, maayos, at mahusay ang daloy ng pagdinig.

Inaprubahan din ng Korte ang pagpapasok ng limang ulat na mismong ang testigo ang sumulat at nagsumite bilang bahagi ng kanyang pahayag.

--Ads--

Subalit, ibinasura ng Trial Chamber III ang apat na iba pang dokumentong inihain ng Prosekusyon dahil hindi sapat na naipaliwanag o nagamit ng testigo ang mga ito sa kanyang testimonya.

Kasabay nito, nagparating ng paalala ang Korte sa panig ng Prosekusyon na maging maingat at iwasan ang tinatawag na “wholesale dumping,” o ang patumpik-tumpik at paulit-ulit na pagpapasok ng mga ebidensya sa trial record na halos wala namang direktang kaugnayan sa kaso.