Dagupan City – Inaasahang mananatiling stable ang suplay at presyo ng bangus sa Pangasinan sa kabila ng posibleng epekto ng El Niño.

Ayon kay Cristopher Aldo Sibayan, pangulo ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA), nakikipag-ugnayan na sila sa mga magbabangus sa western part ng lalawigan para sa maayos na stocking at paghahanda sa inaasahang pagbabago ng panahon.

Aniya, hindi inaasahang drastic o malaki ang magiging epekto ng El Niño sa presyo ng bangus, lalo na’t may suporta mula sa national government, kabilang ang importation, upang mapanatili ang suplay at maiwasan ang pagkalugi ng mga nasa industriya.

Sinabi ni Sibayan na matapos ang matinding init noong Abril at Mayo, sinundan naman ito ng tuloy-tuloy na pag-ulan mula Hunyo hanggang Agosto, kaya mas nakatuon ngayon ang mga magbabangus sa paghahanda at pag-aadjust sa anumang hamon na dulot ng panahon.

Umaasa naman ang SAMAPA sa mga hakbang ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang magkaroon ng buffer laban sa epekto ng weather disturbances.