Dagupan City – Patuloy na inilalapit sa mga mag-aaral sa Bayambang ang preventive oral health services sa pamamagitan ng school-based activities ng Department of Education o DepEd at Department of Health o DOH dentists.
Sa pangunguna nina Dr. Ma. Hermie Culeen Cancino at Dr. Zaida Alcantara, katuwang ang iba pang DepEd dentists mula sa Pangasinan One at Pangasinan Two, iniikot ang iba’t ibang elementary school sa bayan.
Kabilang sa mga serbisyong isinasagawa ang oral health education, dental check-up at examination, at fluoride application.
Layunin nitong mapalawak ang kaalaman ng mga bata tungkol sa tamang pangangalaga sa ngipin at maagapan ang mga posibleng problema sa kanilang oral health.
Sa kasalukuyan, 26 na elementary schools na ang nabisita at umabot na sa 9,078 estudyante ang nabigyan ng oral health services ngayong taon.
Bilang suporta sa programa, nagkaloob din ang Municipal Health Office ng karagdagang fluoride varnishes at oral health packages upang mas marami pang mag-aaral ang mabigyan ng preventive oral health services.
Patuloy ang pagtutulungan ng mga health worker, paaralan at lokal na pamahalaan upang mapalakas ang pangangalaga sa oral health ng mga estudyante.










