Dagupan City – Pormal nang pinasinayaan ang bagong Municipal Trial Court o MTC Building sa Bayambang, Pangasinan, na layong ilapit sa mga residente ang mga serbisyong legal at proseso ng korte.
Sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao, isinagawa ang pagpapasinaya ng bagong gusali na bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng serbisyong pampubliko sa bayan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, naging posible ang proyekto sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways o DPWH at sa tanggapan ni Senator Joel Villanueva.
Nagsagawa rin ang LGU ng mga improvement works sa bagong-tayong gusali upang maging angkop ito sa pangangailangan ng Municipal Trial Court.
Dumalo sa okasyon ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga kinatawan ng hudikatura, at Public Attorney’s Office.
Kabilang dito sina Vice Mayor Dr. Ian Camille C. Sabangan, Municipal Administrator Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
Pinangunahan naman ang panalangin at pagbabasbas sa bagong gusali ni Fr. Reydentor Mejia, Rector ng Santuario de San Vicente Ferrer Shrine.
Sa pagkakaroon ng bagong MTC Building, mas magiging accessible umano sa mga Bayambangueño ang mga serbisyong legal, kaya hindi na kinakailangang bumiyahe nang malayo para sa ilang kinakailangang serbisyo at proseso.
Itinuturing din ng lokal na pamahalaan na bahagi ng proyekto ang kontribusyon ng mga nagbabayad ng buwis, bilang suporta sa patuloy na pagpapabuti ng serbisyo publiko sa Bayambang.










