Dagupan City – Nagtungo sa bayan ng Manaoag ang mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Lokal ng San Jacinto, sa pangunguna ng kanilang Bids and Awards Committee (BAC)para sa isang benchmarking activity kaugnay ng planong pagpapatayo ng kanilang bagong pampublikong palengke.

Mainit na tinanggap ng LGU Manaoag, sa pamumuno ni Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” B. Rosario, ang nasabing delegasyon.

Kasama ang BAC Chairman na si Engr. Arnold Raul E. Geronimo, inilibot ang grupo sa Manaoag New Public Market upang suriin at pag-aralan ang disenyo, pamamalakad, at kabuuang operasyon ng pasilidad.

--Ads--

Ibinahagi rin ni Mayor Rosario ang mga naging karanasan, proseso, at paghahanda ng Manaoag bago naisakatuparan ang proyekto.

Kabilang sa mga binigyang-diin ng alkalde ang mga hamon na kanilang kinaharap sa panahon ng transisyon—lalo na ang maayos na relokasyon ng mga vendor, na isa sa mga pinakamalaking isinaalang-alang sa pagpapatupad ng proyekto.

Layunin ng nasabing gawain na makakalap ang LGU San Jacinto ng mga praktikal na kaalaman at gabay mula sa mismong karanasan ng Manaoag upang magamit sa pagpaplano at pagpapatayo ng kanilang sariling palengke.

Binigyang-diin naman ng Pamahalaang Lokal ng Manaoag na laging bukas ang kanilang pintuan na magbahagi ng kaalaman at karanasan sa iba pang LGU upang magkasamang maitaas ang antas ng mga pampublikong pasilidad at serbisyo para sa mamamayan.