Matapos ang halos 17 taon ng kampanya, pagkilos at panawagan para sa kanyang kalayaan, tuluyan nang nakauwi sa kanyang pamilya si Mary Jane Veloso matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang absolute pardon para sa kanya.

Para kay Emer De Lina, Rights and Welfare Assistance Program Coordinator ng OFW Kadamay, ang paglaya ni Veloso ay bunga ng matagal at sama-samang pagkilos ng mga organisasyon, abogado, religious groups at mga tagasuporta ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Pilipinas at iba’t ibang bahagi ng mundo.

Kabilang sa mga binigyang-pasasalamat ni De Lina ang Migrante International, mga abogado, mga kinatawan ng simbahan at iba pang progresibong organisasyon na aniya ay hindi bumitaw sa panawagan para sa kalayaan ni Veloso mula nang makulong ito sa Indonesia.

Ayon sakaniya, nagsimula ang kanilang mga pagkilos habang nakakulong pa si Veloso sa Indonesia.

Nagpadala umano sila ng mga liham at panawagan sa mga opisyal ng Indonesia at Pilipinas, nagsagawa ng mga signature campaign, information drive at mga misa, at nakipag-ugnayan sa iba’t ibang grupo upang makakuha ng suporta para sa kaso ni Veloso.

Nagtungo rin sa Indonesia ang mga kinatawan ng Migrante International, kabilang ang kanilang mga lider at abogado, upang tutukan ang kaso.

Kung saan nagpatuloy ang kanilang pagkilos kahit na naibalik na sa Pilipinas si Veloso noong Disyembre 2024.

Ayon kay De Lina, nagsagawa sila ng picket protest sa Correctional Institution for Women (CIW), kasama ang iba pang mga organisasyon at mga kinatawan ng religious groups. Nagsumite rin sila ng mga petisyon at liham sa Malacañang upang hilingin ang tuluyang kalayaan ni Veloso.

Dahil dito, sinabi ni De Lina na hindi na ganap na sorpresa para sa kanila ang paglagda sa absolute pardon.

Sa ngayon, umaasa siya na makapagsisimula na si Veloso ng bagong buhay kasama ang kanyang pamilya.