Dagupan City – Inaasahang mababawasan na ang matagal nang suliranin sa pagbaha sa Barangay Mayombo sa lungsod ng Dagupan kasunod ng pagsisimula ng proyekto sa pagsasaayos at pagpapataas ng kalsada sa nasabing lugar.
Ayon kay Kap. Arsenio Curameng II, malaki ang maitutulong ng proyektong ito sa mga residente, lalo’t kilalang mababa ang elevasyon ng kanilang barangay kaya’t dito bumabagsak ang tubig mula sa matataas na lugar kapag umuulan at sinasabayan pa ng hightide.
Ipinaabot ng kapitan ang kaniyang pasasalamat sa personal na pagbisita ni Secretary Dizon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kamakailan upang makita ang naging epekto ng nakaraang bagyo at ang paglubog ng barangay sa baha.
Idinagdag din niya na maganda ang naging mensahe ng kalihim ukol sa nakalaang proyekto.
Sinabi pa ng kapitan na mula pa noong siya ay kagawad pa lamang hanggang sa maupo bilang punong barangay noong 2018 ay talagang binabantayan na niya ang sitwasyon sa tuwing bubuhos ang malakas na ulan, na lalo pang lumalala kapag sumasabay sa high tide.
Bilang paghahanda sa pangunahing proyekto, ipinabatid ni Curameng na una na nilang ipinataas ang kalsada sa may papasok ng Islander section upang maging handa ito at hindi masayang ang pagsisikap ng pambansang pamahalaan.
Batay sa naging pagpupulong ng barangay kasama ang DPWH at ang kontraktor, inaasahang matatapos ang proyekto sa unang bahagi ng susunod na taon.
Gayunpaman, nakiusap ang pamunuan ng barangay na mas mabilis itong tapusin kung kakayanin.
Bagamat nakakaapekto sa kasalukuyan ang patuloy na pag-ulan, nangako ang mga kontraktor na magtatrabaho sila araw at gabi kapag bumuti na ang panahon.
Taos-puso rin ang pasasalamat ng punong barangay sa pambansang pamahalaan at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtugon sa kanilang pangkagipitang pangangailangan laban sa baha.
Kasabay nito, nanawagan si Kap. Curameng ng kaunting pag-unawa at pasensya mula sa mga motorista at kaniyang nasasakupan habang isinasagawa ang pagsasaayos ng kalsada.
Aniya, ginagawa ang mga hakbang na ito upang sa huli ay maging maganda ang takbo ng negosyo at pamumuhay sa buong barangay at sa lungsod ng Dagupan.










