Dagupan City – Nagbunga ang patuloy na pagsusulong ng epektibong programang pangkabuhayan sa bayan ng San Quintin matapos nitong masungkit ang parangal bilang Best PESO 2025 (2nd Class Municipal Category) Regional Winner sa buong Rehiyon 1.

Kasabay ng tagumpay na ito, opisyal ding nominado ang San Quintin sa pambansang antas para sa gaganaping National Best PESO Congress ngayong darating na Oktubre.

Pinangunahan ng Local Government Unit (LGU) ng San Quintin at ng Public Employment Service Office (PESO) San Quintin ang pagtanggap ng Plaque of Recognition.

--Ads--

Ang parangal ay bilang pagkilala sa matatag na suporta ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng makabuluhang employment opportunities at pagtataguyod ng sustainable employment para sa mga mamamayan nito.

Ipinahayag ng LGU, sa pangunguna ni Mayor Farah Lee M. Lumahan, na ang nakamit na tagumpay ay bunga ng sama-samang pagkilos upang mas ilapit ang serbisyong pang-empleyo sa bawat residente.

Samantala, Inaasahang ipapamalas ng San Quintin ang galing at dedikasyon ng bayan sa nalalapit na pambansang kumpetisyon upang maiuwi ang karangalan para sa buong Rehiyon 1.