Umaasa ang pamilya ni Mary Jane Veloso na mapagkakalooban siya ng absolute pardon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ayon kay Lea Ordonez, nakatatandang kapatid ni Veloso, matagal na nilang hinihintay ang pagkakataong makauwi siya at muling makasama ang kaniyang pamilya.


Malaki umano ang naging kasiyahan ng pamilya matapos malaman na seryosong kinokonsidera ng Pangulo ang pagbibigay ng absolute pardon. Ayon kay Ordonez, matagal nang nais ni Veloso na makauwi at makapiling ang kaniyang mga anak na patuloy na naghihintay sa pagkakataong makasama muli ang kanilang ina.


Patuloy naman umanong nakikipag-ugnayan si Veloso sa kaniyang pamilya sa pamamagitan ng mga tawag, lalo na tuwing mahahalagang okasyon. Ayon kay Ordonez, marami pa rin silang napag-uusapan at kabilang dito ang mga plano ni Veloso para sa kanilang pamilya sakaling makauwi na siya, kabilang ang posibilidad na magtayo sila ng negosyo.

--Ads--


Si Veloso ay nakakulong matapos mahatulan ng kamatayan sa Indonesia noong 2010 dahil sa pagkakasangkot sa pagdadala ng ilegal na droga. Noong 2015, nakansela ang kaniyang planong pagbitay matapos umapela ang mga awtoridad ng Pilipinas kaugnay ng kaniyang papel bilang testigo sa kaso laban sa umano’y nag-recruit sa kaniya.