Tinalakay sa committee hearing ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang panukalang ordinansa na nagmamandato sa inventory, clearing at demolition ng mga unlawful structures, restoration ng mga estero, at pagsasaayos ng mga drainage canal at drainage system sa lungsod.
Inimbitahan sa naturang pagdinig ang mga resource person mula sa Department of Environment and Natural Resources o DENR para talakayin ang restoration ng mga estero at mga posibleng hakbang sa pagpapahusay ng drainage system bilang bahagi ng solusyon sa problema ng pagbaha.
Ayon kay City Councilor Joey Tamayo, mahalagang i-double check ang mga lagusan ng tubig na nagmumula sa Cordillera patungo sa Dagupan upang mas mapabilis ang pag-agos at paglabas ng tubig mula sa lungsod.
Hiniling din ni Tamayo sa DENR na tumulong sa pagtukoy sa mga bahagi ng lungsod na may mga nakabarang ilog at iba pang daluyan ng tubig na kailangang mapanatili.
Matatandaang kasama na ng DENR ang City Engineering Office sa isinagawang inspeksyon sa mga major creek at inner waterways sa Dagupan.
Samantala, inimbitahan din sa pagdinig ang mga opisyal ng barangay upang talakayin ang panukala. Nagpahayag ng suporta si Barangay Caranglaan Punong Barangay Greg Claveria Jr. sa plano ng lungsod, ngunit iminungkahi niyang unahin muna ang maliliit at agarang kayang solusyunan.
Kabilang dito ang pagsikip ng ilog at mahinang daloy ng tubig sa lugar ng mga informal settler sa dating PNR Road. Ayon naman kay Barangay Bonuan Gueset Punong Barangay Noel Bumanlag, mayroon nang mga istrukturang naitayo na sumasakop sa ilang bahagi ng mga kailugan na sanhi ng mabagal na daloy ng tubig at sanhi ng pagbaha sa ciudad.










